ANG KAUGNAYAN NG KONSENSIYA SA LIKAS NA BATAS MORAL
Naaalala mo pa ba noong ikaw ay bata pa? Ano ang sinasabi ng iyong ama at ina, o ng iyong lolo at lola sa tuwing gumagawa ka ng mabuti o ng masama? Ayon sa kanila, may dalawang katauhan sa iyong tabi, isa sa iyong kanan at isa sa kaliwa. Pareho silang nagsisikap na impluwensyahan ka na pumili sa mabuti o masama na dapat mong gawin sa isang sitwasyon. Ayon sa kanila, kapag pinili mo ang mabuti, sinusunod mo ang katauhan na nasa iyong kanan. Kapag pinili mo ang masama, sinusunod mo ang katauhan na nasa iyong kaliwa.
Ngayon naman, marahil naririnig mo ang mga katagang: “Malinis ang konsensiya ko” o kaya naman “Hindi maatim ng aking konsensiya…”
Ano nga ba ang konsensya?
Ang tao ay biniyayaan ng kakayahan na kumilala ng mabuti o masama. Ang kakayahang ito ay tinatawag na konsensiya. Ang salitang konsensiya ay mula sa salitang Latin na cum ibig sabihin ay “with” o mayroon at scientia, na ibig sabihin ay “knowledge” o kaalaman. Samakatuwid, ang
konsensiya ay nangangahulugang “with knowledge” o mayroong kaalaman. Ipinahihiwatig nito ang kaugnayan ng kaalaman sa isang bagay; sapagkat naipakikita ang paglalapat ng kaalaman sa pamamagitan ng kilos na ginawa.
Ang paglalapat ng kaalaman ay maaaring magawa sa pamamagitan ng mga
sumusunod na paraan, ayon kay Santo Tomas de Aquino:
a. Sa tulong ng konsensiya, nakikilala ng tao na may bagay siyang ginawa o hindi ginawa. Halimbawa nito, iniwan sa pangangalaga mo ang iyong nakababatang kapatid dahil umalis ang iyong ina. Ngunit sinabayan mo ang pag-aalaga ng panonood ng telebisyon. Dahil dito, nahulog ang kapatid mo. Nagkaroon ito ng gasgas sa braso. Pagdating ng iyong ina, hindi lang pala gasgas ang tinamo ng iyong kapatid, nakita ng nanay mo may bukol din ito sa noo. Nang tanungin ka, sinabi mong napadikit lang sa dingding kaya’t nagkaroon ng gasgas, subali’t di mo alam bakit may bukol ito. Hindi mo man aminin ang iyong ginawa at itanggi ang katotohanan, makumbinsi mo man ang iba at ika’y paniwalaan, ang iyong konsensiya ay nakaaalam ng tunay na nangyari. Ang konsensiya ay tumatayong testigo sa pagkakataong ito sapagkat nagpapatunay ito sa kilos na ginawa o hindi ginawa ng tao.
b. Sa pamamagitan ng konsensiya, nahuhusgahan ng tao kung may bagay na dapat sana’y isinagawa subalit hindi niya ginawa o hindi niya dapat isinagawa subalit ginawa. Sa pagpapatuloy ng halimbawa sa itaas, sa iyong pagiisa hindi ka mapakali, nararamdaman mong dapat mong sabihin sa iyong ina ang tunay na nangyari sa iyong kapatid. Ang konsensiya sa sitwasyong ito ay pumupukaw sa tao upang magpaalala ng dapat at hindi dapat gawin.
c. Gamit ang konsensiya, nahuhusgahan kung ang bagay na ginawa ay nagawa nang maayos at tama o nagawa nang di-maayos o mali. Halimbawang binalewala mo ang bulong ng konsensya na sabihin sa
iyong ina ang tunay na pangyayari, hindi na natahimik ang iyong kalooban. Mas tumindi pa ang pagkabagabag nito lalo na nang nilagnat ang kapatid mo. Kaya’t sinabi mo ang totoong nangyari sa iyong ina. Napagalitan ka man subali’t nawala ang iyong pag-aalala at nakadama ka ng kapayapaan ng kalooban. Sa kalagayang ito, ang konsensya ay mararamdamang nagpapahintulot, nagpaparatang o maaaring nagpapahirap sa tao. Ang konsensya ang bumabagabag sa tao kapag gumawa siya ng masama. Ito ang tinutukoy ng katagang “hindi ako matahimik, inuusig ako ng aking konsensya”. Ipinakikita dito na ang konsensiya ay nakakabit sa isip ng tao; kaya’t ito ay kakayahan ng isip na maghusga ng mabuti at masama. Ang konsensiya ang batayan ng isip sa paghuhusga ng tama o mali. Paano nga ba nalalaman ng konsensiya ang tama at mali? Ibinabatay ng konsensiya ang pagsukat o paghusga sa kilos sa obhetibong pamantayan ng Likas na Batas Moral.
Ang Likas na Batas Moral ay ibinigay sa tao noong siya ay likhain. Ito ay sa dahilang nakikibahagi siya sa karunungan at kabutihan ng Diyos. Sa pamamagitan ng batas na ito, ang tao ay may kakayahang makilala ang mabuti at masama. Dahil sa kalayaan, ang tao ay may kakayahang gumawa ng mabuti o masama. Nakaugat ito sa kanyang malayang kilos-loob dahil ang pagtungo sa kabutihan o sa kasamaan ay may kamalayan at kalayaan. Hindi kailangan ng isang tao na pumasok sa paaralan upang matutuhan o malaman ang batas na ito. Nakaukit ito sa pagkatao ng isang indibiduwal kaya’t ang unang prinsipyo nito ay: Likas sa tao na dapat gawin ang mabuti at iwasan ang
masama. Ang tao ang natatanging nilalang na nararapat tumanggap ng batas mula sa Diyos. Ito ay dahil kailangan niyang pamahalaan ang kanyang kilos sa pamamagitan ng tamang paggamit ng kanyang kalayaan at kilos-loob.
Ang Likas na Batas Moral ay likas sa tao dahil sa kanyang kalayaan. Kaya’t ang walang kalayaan ay di sakop ng batas na ito. Nakasaad sa batas na ito ang dapat gawin at di dapat gawin ng tao; kaya’t ito ang gumagabay sa kilos ng tao. Layon ng batas-moral na pagkalooban ang tao ng kinakailangang batayan upang makagawa siya ng tamang pasya at kilos. Higit sa lahat, layunin ng batas na ito ang
kabutihan ng tao. Ang tao ang iisang nilikha na maaaring gumawa ng masama: ang sumira ng kapwa at sumira ng kanyang sarili. Ito ang dahilan kung bakit ipinagkaloob ang Likas na Batas Moral. Maiiwasang gawin ng tao ang masama kung susundin niya ang batas na ito.
Narito ang mga Katangian ng Likas na Batas Moral:
a. Obhetibo – Ang batas na namamahala sa tao ay nakabatay sa katotohanan. Ito ay nagmula sa mismong katotohanan – ang Diyos. Ang katotohanan ay hindi nililikha; kaya hindi ito imbensyon ng tao. Ito ay natutuklasan lamang ng tao. Pangkalahatang katotohanan ito na may makatuwirang pundasyon.
Naaayon sa reyalidad ito at hindi nakabatay sa tao. Hindi ito naiimpluwensyahan ng anumang bagay lalo na ng pagtingin ng tao dito. Palagi itong umiiral dahil hindi ito naaapektuhan, kilalanin man ito ng tao o hindi.
b. Pangkalahatan (Unibersal) – Dahil ang Likas na Batas Moral ay para sa tao, sinasaklaw nito ang lahat ng tao. Nakapangyayari ito sa lahat ng lahi, kultura, sa lahat ng lugar at sa lahat ng pagkakataon. Ito ay dahil nakaukit ito sa kalikasan ng tao; kaya’t ito ay nauunawaan ng lahat at ito ay katanggap-tanggap sa lahat ng tao.
c. Walang Hanggan (Eternal) – Ito ay umiiral at mananatiling iiral. Ang batas na ito ay walang hanggan, walang katapusan at walang kamatayan dahil ito ay permanente. Ang kalikasan ng tao ay permanente kaya’t ang batas na sumasaklaw sa kanya ay permanente rin. Ito ay totoo kahit saan at kahit kailan.
d. Di-nagbabago (Immutable) – Hindi nagbabago ang Likas na Batas Moral dahil hindi nagbabago ang pagkatao ng tao (nature of man). Maging ang layon ng tao sa mundo ay hindi nagbabago. Sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kultura, ang Likas na Batas Moral ang nagbibigkis sa lahat ng tao. Ito rin ang nagpapatupad ng iisang alituntunin para sa lahat.
Ayon kay Lipio, binibigyang direksiyon ng batas-moral ang pamumuhay ng tao. Sinusunod niya ang batas-moral upang magawa ang mabuti, magkaroon ng paggalang sa kapwa at makipagtulungan sa mga taong binigyan ng kapangyarihang pangalagaan ang kapakanan ng lahat. Subali’t hindi nangangahulugang ang tao ay natatakpan ng mga batas na dapat niyang sundin araw-araw, bagkus, kailangan niyang gawin ang tama ayon sa kanyang pagkatao. Samakatuwid, ang konsensiya ay ang personal na pamantayang moral ng tao. Ito ang kakayahang isagawa ang mga malalawak na pangkalahatang batas-moral sa pamamagitan ng sariling kilos. Ito ang ginagamit sa pagpapasiya kung ano ang tama at kung ano ang mali sa kasalukuyang pagkakataon.
Halimbawa, bagama’t isang obligasyon ang pagsisimba, may pagkakataong hindi makadalo ang isang tao dahil may tungkulin siyang alagaan ang isang kasapi ng pamilya na maysakit. Ito ang situwasyon na walang katapat na pangkalahatang batas para matugunan. Ang kailangan dito ay personal na pagpapasiya kung saan ginagamit ng tao ang kaniyang konsensiya. Kailangan lagi ang isang paghatol sa pagsasagawa ng isang pamantayan o pagtupad sa batas moral at dito kailangan ang konsensiya. Subali’t, kung ang paghatol ay hindi naaayon sa Likas na Batas Moral, ang konsensiya ay maaari pa ring magkamali. Maaaring magkaroon ng kalituhan kung anong panuntunan ng kilos ang gagamitin. Maaari ring magkamali sa paraan ng paggamit ng panuntunang ito. Dahil dito, ang konsensya ay maaaring uriin bilang tama at mali ayon sa Likas na Batas Moral (Esteban, 1990).
Uri ng Konsensya
1. Tama. Ang paghusga ng konsensya ay tama kung lahat ng kaisipan at dahilan na kakailanganin sa paglapat ng obhektibong pamantayan ay naisakatuparan nang walang pagkakamali. Tama ang konsensya kung hinuhusgahan nito ang tama bilang tama at bilang mali ang mali (Agapay, ).
Halimbawa, inutusan kang bumili ng tinapay isang araw. Napansin mong sobra ng dalawampung piso ang sukling ibinigay sa iyo ng tindera. Nang araw ding iyon hindi ka binigyan ng baon ng iyong ina dahil kulang ang kinita ng iyong ama sa pamamasada. Wala ka mang baon subali’t isinauli mo ang sobrang sukli na ibinigay sa iyo. Katuwiran mo, hindi sa iyo ang pera kaya’t nararapat na ito ay isauli mo.
2. Mali. Ang paghusga ng konsensya ay nagkakamali kapag ito ay nakabatay sa mga maling prinsipyo o nailapat ang tamang prinsipyo sa maling paraan. Ayon pa rin kay Aglipay, mali ang konsensya kung hinuhusgahan nito ang mali bilang tama at ng tama ang mali. Gamit pa rin ang halimbawa sa itaas.
Naisip mo na biyaya sa iyo ang sobrang sukli dahil nagkaroon ka ng baon sa araw na iyon. Katwiran mo pa, hindi mo naman ginusto na magkamali ang tindera sa pagsusukli. Hindi masama na itinago mo ang pera nagpasalamat ka pa dahil nagkamali ang tindera. Sa pamamagitan ng tamang uri ng konsensiya kung gayon, naisasagawa ang pangkalahatang pamantayang moral sa pang-araw-araw na buhay. Ito ang personal na pamantayang ginagamit ng tao upang suriin ang iniisip, salita at gawa ayon sa Likas na Batas Moral na siya namang batayan upang malaman ang mabuti at masama sa natatanging situwasyon. Itinuturing ang konsensiya bilang batas moral na itinanim ng Diyos sa isip at
puso ng tao. Sa pamamagitan ng konsensiya nakagagawa ang tao ng mga pagpapasiya at nasusunod ang batas-moral sa kaniyang buhay. Dahil dito, ang konsensya ang pinakamalapit na pamantayan ng moralidad. Sinusuri nito ang kilos kung ito ay tama o mali. Ang konsensiya ay likas sa tao upang maghusga sa mabuti o masama na maaaring gawin. Taliwas sa komersiyal ng sabon o sa katauhan na nasa kanan at kaliwang bahagi ng tao, ang paghuhusga ng konsensiya ay hindi nagmumula sa labas ng tao. Ang tao mismo ang naghuhusga ng mabuti o masama na kaniyang gagawin gamit ang kaniyang konsensya. May pagkakataon na inaakala ng tao na ang maliit na bagay ay hindi nagkakaroon ng malaking epekto sa kanyang pagkatao. Ito ang nagaganap sa kaniyang konsensiya nang hindi niya namamalayan. Karaniwang sinasabi ang mga katagang: maliit na bagay lang naman, ngayon lang o minsan lang upang pangatwiranan ang maling ginawa. Kung patuloy na babalewalain ng tao ang kaniyang konsensya, darating ang pagkakataon na ito ay magiging manhid sa pagkilala ng tama. Epekto nito, ang tao ay maaaring maging katulad ng hayop sa kanyang pagpasya at pagkilos.
Mga Sanggunian:
Agapay, Ramon B. (1991). Ethics and the Filipino:A Manual on Morals for Students and Educators. Mandaluyong City. National Book Store
Esteban, Esther J.(1990). Education in Values: What, Why and for Whom.Manila:Sinag-tala Publishers, Inc.
Institute for Development Education Center for Research and Communication(1992).
Perspective: Current Issues in Values Education 4 Manila:Sinag-tala Publisher
Quito, Emerita S. (2008). Fundamentals of Ethics. Manila: C & E Publishing Inc.
Crisostomo, Rosar. (2004) nagsalin sa Filipino. Konsensya para sa mga Katolikong Pilipino. Mandaluyong City. National Book Store
Kawanihan ng Edukasyon Sekundarya, Kagawaran ng Edukasyon. 2010. Gabay sa Pagtuturo sa EP para sa 2010 Kurikulum ng Edukasyon Sekundarya (SEC) Pasig City: Awtor
Conscience (n.d.)Retrieved November 21, 2009 from http://www.newworldencyclopedia.org/entry/Conscience
Conscience (n.d.) Retrieved November 24, 2009 from www.gospelped/ar.com/articles/christian%20Life/moralaw.html
Conscience (n.d.) Retrieved November 24, 2009 http://www.rosmini inenglish.org/Conscience/Book_1/CS_Bk01Ch02.htm
|